"Kapag gusto mo nang iuntog ang ulo mo sa pader. Kapag gusto mo nang hiwain ang ugat sa bisig mo. Doon nggagaling ang mahusay na panulat. Sabi nga nila, dahil manunulat ka, maraming demonyo sa loob mo. Pero hindi iyon demonyo. IKAW YUN. --Ricky Lee"
Uumpisahan ko ang post na ito sa isang pangungusap: Hindi ako writer. Ni hindi ko pangarap ang magsulat. Ano nga naman ba ang pangarap ng isang bata pag tinanong mo? Hindi ba't malamang ang sasagot niya maging abogado, doktor, nurse, teacher o artista? Wala naman sigurong bata na ang unang pangarap ay maging manunulat. Maaaring ito magsulat lang ang alam niyang gawin pero hindi ito ang nang sagot sa tanong kung ano ang pangarap mo. Hindi ko rin pinopost ang mga sinusulat ko sa kahihiyan na rin.
Pero bakit ako nagsusulat? Hindi ko rin alam. Ang mga sinusulat ko, alam kong hindi perpekto. Parang ako. Hindi naman kasi ako nagsusulat para ma-publish o sumikat. Nag-sanga lang siguro ito sa hilig ko sa pagbabasa. Isa pa may mga gabing may mga tao sa ulo o imahinasyon mo na gustong magsalita, may mga kwento silang gusto nilang malaman ng lahat. Nakapanghihinayang kung hindi mo sila bibigyan ng buhay. Higit sa lahat, nakababaliw kung hahayaan mo lang ang mga boses nila sa ulo mo. I don't have any formal study on writing. I just blogged. My blog does not even have a format. Isa pa, mahirap magsulat. Pag may writer's block ka, para kang nanganganak o constipated. Minsan mahirap hanapin o ilabas ang mga tamang salita.
My outlook about writing finally changed when I first bought my Ricky Lee book---Trip to Quiapo. It's not a text book about writing. Its informal which makes it better. Nung una, kilala ko lang si Ricky Lee dahil alam kong award-winning ang mga pelikula niya. Cover pa lang ng libro, alam kong hindi lang ako matututo pero matutuwa din. Gusto ko sanang ibahagi ang mga paborito kong linya sa libro:
"Lagi nating sinasabi, hindi pa ako handang magsulat, kulang pa ako sa karanasan, hindi pa ako nakakapagbiyahe, o nakukulong,
o nari-rape o nakakatikim ng buhay. Pero nararamdaman natin na sa loob natin ay maraming kwentong gustong makahulagpos, kayapagbigyan natin, magsulat tayo."
-Isa sa mga paborito ko ang mga selection na ito dahil noon, nakakulong ako sa isang kahon. Malaking tanong sa isipan ko kung paano ba ko magsusulat ng kwento? Ang dami dami ko pang hindi nararanasan. Para akong isang batang sasabak sa isang magulong mundo. Pero nung nabasa ko 'to, naisip ko, Oo nga. hindi ko naman siguro kailangan ma-rape o mamatayan o pumatay para makasulat ng magandang kwento.
"H'wag kang umiwas sa emosyon. H'wag kang tumalikod sa dilim. Piliin mo ang malunod. Don't play safe."
"Kaya tayo hindi makapag-sulat dahil may mga ayaw tayong harapin. Buksan mo."
-Don't play safe. Lahat tayo takot makaramdam. Pero hindi rin ako makukuntento sa sinulat ko kung pati ako hindi involved sa characters. Ngayon, gusto kong isulat ang mga takot ko---o ang mga bagay na ayaw kong harapin. Halimbawa, bigyan mo ko ng Horror film, hindi ako yung tipong nananaginip pagkatapos ng palabas, pero bigyan mo 'ko ng well-directed na Rape scene, kulang na lang maglagay ako ng kutsilyo sa ilalim ng unan bago matulog. Ibang klase ang galit na nararamdaman ko. Pero ang temang ito--violence and abuse against women, it's one thing I feel strongly about. Pangarap ko'ng magsulat tungkol dito. And I have to be brutally honest in writing about it--to the character and and even to myself.
"Magsulat ka tungkol sa alam mo pero hanapin mo dito ang hindi mo alam. "
My very first Ricky Lee book, Trip to Quiapo
Binago talaga ni Ricky Lee ang buhay at pananaw ko nung nabasa ko ang Para kay B. Yung unang chapter binasa ko sa Powerbooks bago pumasok sa school. Pero sa puso ko, isa 'to sa mga librong hindi ko panghihinayang bilhin. Dito ko nabasa sa isang chapter ang tungkol sa bawal na pag-ibig. Naging hamon talaga 'to sa konserbatibo kong kaisipan. Kapatid sa kapatid, laman sa laman, nagkaibigan. Oo. Tama ang nabasa mo. Masterpiece!
Naisip ko sana ganito ako mag-sulat. Yung bukas ang mata at isip! Yung hindi ko iintindihin ang nararamdaman ko at ng makakabasa--kung mahihiya ba sila, magagalit o mandidiri. Basta maikwento ko ang buhay ng mga boses sa isip ko. May gusto silang sabihin. Laging may gusto silang sabihin at hindi lahat gusto nating marinig---ikaw at ako. Ang mundo ay hindi perpekto. Minsan ang telenobela ay totoong-totoo.
So imagine how absolutely starstruck I was when I saw Ricky Lee sa CCP when my best friend and I watched this year's Cinemalaya. Sabi ko: Ay parang kilala ko to... ay s*** si Ricky Lee!! Haha. I did not waste my time for a photo with him.
Sabi ko sa kanya: "Sir, sayang hindi ko po dala yung libro ko. Gusto ko sana ng autograph."
Sabi niya: "Okay lang yun, nandito naman ako araw-araw."
Photo: First Day
Edi talagang hindi ko kinalimutan ang kopya ko ng Para kay B kinabukasan. At nakita namin siya. Nahihiya pa kami lumapit dahil ang daming kausap, nung mag-isa na, umakyat sa 2nd floor--sunod kami. Bumaba (agad-agad talaga!), baba rin kami. Natatawa ako pag naaalala ko. Stalker mode lang kasi. At sa wakas ito na.
Sabi ko: Sir, dala ko na po yung libro! (abot tenga ngiti!)
Sabi niya: Buti naman. Ano ngang pangalan mo?
Natuwa lang din ako at naalala niya yung kahapon na naiwan ko! Pero mas natuwa ako nung tinanong niya ang pangalan ko at nagsulat na sa libro ko. Akala ko autograph lang talaga, gaya ng ibang pangalan lang ang isusulat. Pero may dedication pa!
Sa huli sabi ko: Sir, dedication pa po. Sobrang salamat po!
Sabi niya: Ako nga ang dapat magpasalamat e, dahil binasa mo.
Ang humble lang.
Photo: Second day
Ay ang puso ko! Tapos nung nabasa ko, muntik na 'kong maiyak. Siguro dahil may pinagdaanan ako at kailangan kong mabasa ang sinulat niya. It read:
Para kay Yella,
Sana'y laging maging bukas ka sa lahat ng bagay na maibibigay ng pag-ibig!
Hindi ako masyadong nasa-star struck sa mga artista. Pero sa mga tao behind the scenes lalo na sa mga direktor at writers dun ako mas humahanga. Maaari sigurong dahil sila ang utak ng lahat. Pero sa totoo lang pakiramdam ko kulang sa credit ang mga manunulat. Emotionally draining din kaya magsulat. Kaya hanga ako kay Ginoong Ricky Lee. Hindi ko alam kung saan niya nahuhugot ang mga kwento, kung paano at kailan dumadaloy ang mga salita para sa kanya at kung gaano kalaki ang puso niya para ilabas ang ganitong mga character. Paano kaya niya nabubuksan ang isip niya sa mga kwentong ayaw pero kailangang pakinggan? Napakarami sigurong "demonyo" sa loob niya. Kaya paano't hindi pa siya nababaliw nang dahil sa pagsusulat?
Ngayong tapos ang kwento ko at kung tatanungin mo ko kung bakit ako nagsusulat, ang sagot ko therapy ko siya. Mas nagsusulat ako 'pag galit o punong-puno ng depresyon. Maraming nga sigurong "demonyo" sa loob ko na kailangang mailabas at lumipat sa papel dahil kung hindi, mababaliw ako. Hindi ko kailan man pinangarap na maging Ricky Lee. Pero sana makasulat ako ng isang obra na balang araw ikaka-proud niya (na baka pangarap lang din talaga). Sa katapus-tapusan ng bawat kwento (na minsan maikli lang talaga), gusto kong bilang mambabasa hindi MO lang ito matapos. Gusto kong umusok ang ilong mo sa galit, kiligin ka, tumalon sa tuwa, malibugan, maakit, umiyak sa awa o lungkot, mapa-isip... basta may maramdaman ka. Dahil kung hindi, parang nagkwento ako sa'yo, parang kinwento ko ang first kiss ko, o kahit anong first time o emotionally draining story tungkol sa break up namin ng ex ko o baka maaring na-rape ako, nakulong o nanalo sa lotto pero ikaw, bilang mambabasa, NO REACTION.
Nakatingin pero hindi nakikinig. Kaya kung wala kang maramdaman sa huli, hindi lang boses ng mga characters sa kwento ko ang hindi mo pinakinggan. Pati ako. Simple lang. Sa mundong 'to na mabilis lahat, gusto ko lang paminsan minsan, tubuan ka ng pakiramdam, na magkaron ka ng pakialam.