PULSO
Wednesday, September 24, 2008Minulat ko unti-unti ang aking mga mata. Madilim pa rin. Langit na ba 'to? Imposible. Baka naman impyerno. Hindi naman mainit. Wala namang "nagbabagang apoy". Mabigat pa rin ang aking mga mata. Kinapa ko ang aking kanang kamay. Pulso. Napabuntong hininga ako. Pumikit muli. Nag-isip.
Ano pang ginagawa ko dito? Bakit nandito pa ko? Bakit humihinga pa ko? Anong hindi mo maintindihan sa, 'ayoko ng mabuhay pa'? Malabo bang intindihin 'yon?
Kailangan bang ulitin ko ang lahat? Pagod na ako. Ayoko na. Hindi na ako makakita ng dahilan para magpatuloy pa. Walang may kailangan sakin at lalong hindi ko alam ang gagawin sa buhay ko.
Ano? Marami pang gustong mabuhay? Marami pang mas may seryosong problema? Gasgas na yan. Bato na ako. Wala na akong maramdaman. At lalong wala akong kinalaman sa mga buhay nila. 'Di buhayin mo sila, tulungan mo sa mga problema nila, at ako... putulan mo na ng hininga. Kahit sa pagtulog, sa kalsada, o sa simpleng sakit; 'Wag mo na lang akong gisingin, ipabangga mo na lang ako sa rumaragasang sasakyan o palalain mo ang sakit. Ayoko na. Bakit sa iba ang bilis-bilis mong dumarating? Hindi ka naman iniimbita. Ako, tinatawag kita. Ayaw mo namang magpakita.
Pagod na 'kong mag-isip. Hindi na 'ko masaya at mas lalong hindi ko alam kung paano o kung gusto ko pang lumigaya.
Oo. Kaya kong iwan silang lahat. Sandali lamang naman silang luluha. Pagkatapos, tatayo rin sila. Wala na. Maaring hindi na sila lumingon pa. Makakalimot din sila. Hindi hihinto ang buhay ng lahat dahil sa isang tao lamang. Ganyan talaga ang kalakaran sa mundo.
Ngunit huwag kang mag-alala, kaibigan. Hindi kita uunahan. Hihintayin ko na lamang ang iyong pagdating. Ang araw na aking hinihintay. Ang araw kung kailan isasama mo na ako sa kawalan. Sa dako pa roon...
-a.a.a.
0 comments